Sunday, January 2, 2011

Piniritong Leeg ng Manok

Isang Martes ng umaga, sa buwan ng Hulyo, nagkakilala sina George at Sofia sa isang siyudad. Naging mabuti ang kanilang pagsasama kaya naman 'di nagtagal ay napaibig din sila sa isa't isa. Matagal na ring naging maganda ang kanilang relasyon kaya sa ikatlong taon ng kanilang pagsasama ay napagdesisyonan na nilang magpakasal.

Napakabuting asawa ni George. Araw-araw sa kanilang buhay-mag-asawa ay ipinagluluto niya si Sofia ng paborito nitong ulam – fried chicken. Mapa-almusal, tanghalian o hapunan man, sinusigurado ni George na ipagluluto niya ng fried chicken si Sofia isang beses sa isang araw. Pero sa bawat luto niya ng piniritong manok para kay Sofia, isang parte lang ang ihinahain niya para dito. Ito ay ang leeg.

Nagtataka na si Sofia kung bakit leeg ng manok nalang parati ang ibinibigay ni George sa kanya. Hindi naman niya gusto ang parte na 'yon. Unti-onti na siyang nauumay ngunit wala naman siyang magawa kaya't nananatili nalang siyang tahimik tuwing nakikita n'yang leeg nanaman ang nakahain para sa kanya.

Namumuo na ang pagkadismaya ni Sofia. Halos 'di na niya matiis ang ganitong pagkain. Ang akala ng mga kapit-bahay ay napakaganda ng kanilang pagsasamahan. Dahil nga napakaganda nilang tignan habang magkasama. Meron din silang dalawang matatalinong anak, magandang kotse at magarang bahay. Halos mamatay na sa inggit ang kanilang mga kapit-bahay. 'Yun nga lang, hindi nila alam na may namumuo nang alitan sa pagitan ng dalawa. Pero 'di 'to alam ni George.

12 na taon ang nakalipas at ganito pa rin ang pangyayari. Pritong leeg ng manok ang ulam isang beses sa isang araw. Bad trip to the max na si Sofia. Sawang-sawa na ang kanyang dila at lalamunan sa makating balat ng leeg ng manok na pinirito. Maging ang kanyang sikmura ay sumisigaw na tulad ng isang bokalista ng metal na banda habang uma-adlib ang gitarista. Ngunit wala siyang magawa.

Isang almusal sa ika-12 taon simula noong kanilang pag-iisang dibdib, naghain si George ng ulam. Siyempre, piniritong leeg ng manok. Pagkakita ni Sofia, nagdilim ang kanyang paningin. "Ito nanaman?" sabi niya sa loob-loob niya. Kahit inis na siya, sinubukan pa rin niyang kainin ang ulam. Binuhat niya ang kutsara at tinidor. Humiwa ng maliit sa leeg ng manok at isinama sa kaunting kanin. Unti-onting inilapit ang kutsara na may lamang manok at kanin papunta sa bibig. Naiisip niya na siguradong mauumay nanaman siya pag nalasahan ito. Ngunit wala ulit siyang magawa, kaya sinubo na niya.

Habang nanunoot sa dila niya ang lasa ng leeg na manok, nanunoot din ang galit niya kay George. Umaakyat na ang kanyang dugo sa kanyang ulo. Kaya naman sumabog na siya sa galit.

Tumayo siya sa kanyang kinauupoan at sumigaw, "Ano ba? Ganito nalang ba ang ihahain mo sa 'kin araw-araw? Sawang-sawa na ako! Oo, paborito ko ang fried chicken. Pero hindi leeg, hindi 'tong piniritong leeg ng manok. Puwede namang ibang parte nalang ang ibigay mo sa 'kin e. Alam mo bang umay na umay na ang dila at lalamunan ko sa makating balat ng leeg ng manok na pinirito? Bakit ba ito nalang parati? Demet!"

Natahimik si George sa kanyang narinig habang mangiyak-ngiyak naman si Sofia. Walang ibang marinig sa silid kundi ang iyak ni Sofia, nang biglang nagsalita si George.

"Pasensya ka na. Pasensya na kung 'di ka nasiyahan. Akala ko pa naman ay okey ka lang d'yan sa ihinahain ko sa 'yo," wika ni George.

"HUHUHUHUHUHUHUHUHUHUHU!" hagulgol ni Sofia.

Walang masabi si George. Ay teka, meron pala.

"Alam mo ba kung bakit leeg ng manok ang ibinibigay ko sa 'yo?..." tanong ni George.

"...'Yan kasi ang paboritong parte ko."

3 comments: